Gandang-ganda ako sa sarili ko ngayong araw. Nakakailang selfie na nga ako ngayon kaya heto, punong-puno na ng mukha ko ang camera roll ng cellphone ko.
Hindi ko alam kung dahil ito sa bagong moisturizer ko na, ayon sa label nito ay, oil control gel cream na saktong-sakto sa oily/combination skin ko. O baka naman dahil sa tinagal-tagal ng panahon, naisipan ko ulit gamitin yung paborito kong lip-crayon. Ay ewan, hindi ko talaga alam. Ang mahalaga, feel na feel kong maganda ako sa araw na ito at walang makakokontra sa akin.
Dapat lang na may selebrasyon sa araw na ito. Aba, bibihira yata itong mangyari sa akin. Siguro sa lagpas 300 na araw sa isang taon, masuwerte na kung may may sampu manlang na mangingiti ako nang todo pagkaharap ko sa salamin. Madalas kasi, wala akong pakialam. Ang mas malala pa, may mga araw talagang nakakunot lang ang noo ko habang tinititigan ang sariling repleksiyon.
Madaling magsalita tungkol sa self-acceptance, na okey lang yan, beauty is in the eye of the beholder, na subjective ang kagandahan, na ang pinakamahalaga ay tanggap mo kung sino at ano ka. Ako man ay may mahabang listahan ng mga mantra para manlang pawiin nang bahagya ang kirot na nararamdaman sa mga araw na mahirap talagang humarap sa salamin. Lagi akong may baong words of wisdom sa tuwing kailangan magsulat tungkol sa body positivity, bodily autonomy, at self-love. Marami-rami rin akong mahuhugot na teorya na puwedeng pambato sa mga hater na walang ibang ginawa kundi punahin ang pisikal na anyo ng mga tao sa paligid nila, lalo na ng mga babae. Yun nga lang, may mga araw talagang kahit anong orasyon ang i-recite ko habang nakikipagtitigan sa sarili kong repleksiyon ay parang wala pa ring nangyayari. At siya pa rin ang nakikita ko: Yung babaeng haggard na hugis balyena na hindi naman talaga maganda. Tapos, biglang may flashback na lang noong mga panahong nilalait-lait ako ng kung sino man dahil kapos ako sa kagandahan.
Noong bata pa ako, lagi akong inaasar sa bahay namin dahil kulot ako, maitim, at may malaking mata. Mukha raw akong tiyanak. Minsan naman, ulikba. Lagi rin akong naikukumpara sa pinsan kong babae na mas matanda sa akin ng apat na taon. Siya kasi, matangkad, maputi, tapos tuwid ang buhok. Lagi siyang muse sa section nila; laging panlaban sa mga beauty pageant. Samantalang ako, pang-quiz bee lang lagi.
Hindi tuloy nakapagtataka na talagang sineryoso ko ang pagiging honor student. Alam ko naman kasing hindi ako kapili-pili bilang muse kaya sa ibang bagay na lang ako bibida. “Sige, magiging president-material na lang ako,” sabi ko sa sarili.
Isa pa, kailangan kong bigyan ng dahilan para naman kahit paano’y maging kapuri-puri ako sa pamilya namin. At least, kapag mataas lagi ang mga grado ko at parating pambato ng paaralan namin sa kung anu-anong academic contests, hindi na masyadong magpopokus ang mga kapamilya ko sa kulot kong buhok, sa maitim kong balat, at malalaking mga mata ko. Baka wala na silang ibang masasabi kundi, “Ayan, si Mina, matalino yan! Magaling!”
Noong nasa elementarya ako, sinabihan ng nanay ng isang kaklase ko si Mama na buti na lang daw at matalino ako kasi hindi daw ako maganda. Buti na lang daw talaga! Gulat na gulat ako noon dahil ibang klase naman talaga ang kapal ng mukha niya para sabihin iyon sa nanay ko. Pero sa kabilang banda, lalo lang akong nanggigil na mas pag-igihan pa ang pag-aaral. Mas ginalingan ko rin sa mga kompetisyong sinasalihan ko. “Oo na, sige na, hindi na ako maganda. Pero magaling ako!” yan ang lagi kong iniisip noon.
Ang yabang ko, oo, pero sa totoo lang, matindi ang gigil ko noon kasi nasaktan talaga ako. Kahit alam kong hindi naman talaga big deal ang opinyon ng magulang na iyon tungkol sa pisikal na anyo ko at kahit malinaw naman din sa aking wala akong kailangang patunayan sa kahit kanino, nasaktan pa rin ang ego ko.
Noong ikatlong taon ko sa high school, isa ako sa mga napiling panlaban ng section namin sa United Nations pageant ng paaralan. “G. at B. Daigdig” ang tawag sa pageant at ako ang napiling binibini sa klase namin. Kabadong-kabado ako noong una, kasi alam ko namang wala ako sa kalingkingan noong mga talagang batikan sa pageant. Walang bakas ng beauty queen qualities sa hilatsa ng pagmumukha ko.
Sa kabila noon, pumayag pa rin akong ako ang isali sa kompetisyon. Bukod kasi sa curious ako kung ano ang feeling ng rumarampa sa isang beauty pageant, alam ko rin namang may iba pang paraan para manalo. Puwede kong galingan sa pagkolekta ng pera dahil money contest unang lebel ng kompetisyon. Kayang-kaya kong makapasok sa finals kung marami akong maipapasok na pondo sa fundraiser. Creative din ako kaya alam kong kayang-kaya kong gumawa ng napakagandang national costume at talented din kaya walang-dudang kayang-kaya ko ring makipag showdown sa mga kalaban sa Q&A portion. Palaban din ang ginoong panlaban ng section namin kaya sige, tinuloy ko lang.
Sa huli, naiuwi namin ng kapareha ko ang korona. Siyempre, pagkatapos ng pageant, feeling ko ang ganda-ganda ko, kahit pa alam ko namang nairaos ko lang iyon dahil sa galing at diskarte ko sa ibang bagay. Yun nga lang, hindi pa rin ako crush ng crush ko. Iba kasi yung gusto niya — yung kaklase naming maganda at talagang laging napipili bilang muse sa tuwing may pagandahan sa paaralan namin.
Nasa kolehiyo na ako noong medyo nabawasan ang pagkabuwisit ko sa hitsura ko. Salamat sa mga klase namin sa humanities at social sciences, nasemento sa utak ko na talagang subjective ang kagandahan. Sa unibersidad ko rin naunawaan na puwede pa rin pala akong maging kahanga-hanga dahil sa talino ko at interesanteng personalidad.
Pero aaminin ko, may mga araw pa rin talagang hindi ako kayang isalba ng kahit anong teorya mula pa kahit sa kung ano mang libro ang basahin at isapuso ko. At sa totoo lang, mas lumalala ang pagiging insecure ko sa tuwing mare-reject ako ng kung sino mang gusto ko.
Gaya na lang nung nalaman kong may girlfriend na yung dating kaklase kong akala ko’y magiging boyfriend ko talaga. Lagi kaming magkasama sa loob ng isang sem at sobrang sweet pa. Pero, pagkatapos ng summer break, bigla niya na lang ako sinabihang huwag nang umasa pa dahil hindi magiging kami. Iyon pala, may iba pa siyang nilalandi at naging sila na rin sa di katagalan. Kahit alam kong wala naman akong ginawang masama, pakiramdam ko ang pangit-pangit ko.
Buti na lang at hindi ako tinuluyang nilamon ng insecurities. Nagbunga rin naman nang kaunti ang pagpe-peptalk ko sa sarili. “His loss, not yours!” sabi ko lagi sa sarili. Kaya ayun, para hindi na rin ako masyadong malungkot, mas nagpokus na lang ako sa pagiging interesanteng tao. Hindi ko na lang muna masyadong iisipin kung anong tingin ng mga tao sa hitsura ko. Ang mahalaga, masaya akong kasama, masarap kausap, at cool.
Ilang buwan pagkatapos ko maka-graduate sa unibersidad, nagkaroon ako ng bagong karelasyon. Sa unang araw namin, nalaman kong ka-chat niya ang isa sa mga kaibigan niya tungkol sa amin. Hindi rin sinasadyang nabasa ko ang bahagi ng usapan nila. “She’s awesome, but not the prettiest girl in the room.” Sabi niya sa kaibigan. Pinagsabihan siya ng kausap niya na dapat hindi ganoon ang paglalarawan sa akin.
Sa puntong iyon ako natauhan na kahit pala talaga lagi kong sinasabi na wala akong pakialam sa pisikal kong anyo at kahit pa anong yabang kong kaya kong daanin sa personality at talino ang mga bagay, may kurot pa rin talaga sa puso ko ang mga komentong gaya ng sinabi ng nakarelasyon kong iyon. Pakiramdam ko, bata na naman ako at dinadaot-daot ng mga taong dapat sana’y kakampi ko.
Pero ang isa sa pinakamatitinding tama sa ego ko ay iyong nalaman kong pinagtataksilan ako ng sumunod kong nobyo. Kahit alam kong di naman ako nagkulang, pakiramdam ko pa rin ay may mali sa akin. Ang pangit-pangit ko na naman bigla. Ganoon lang talaga siguro kapag naloloko ka. Kahit alam mong wala ka namang pagkukulang at kahit pa sigurado ka naman sa kung gaano ka kaayos na tao, hindi maiiwasan na sumagi sa isip mo na may mali o may kulang sa iyo kaya siya naghanap ng iba. Mga artista ngang saksakan sa ganda ay pinagpapalit pa rin, diba?
Mas lalong lumala ang pagiging insecure ko noong magsimula akong tumaba. Simula nang magsimulang magtrabaho nang full-time, nagbago nang husto ang paraan ko ng pamumuhay. Di nagtagal ay sumunod na rin ang pagbabago ng aking pangangatawan. Nagsimula akong bumigat. Naglakihan ang aking mga hita’t braso at bumilog din ang aking tiyan. Dumoble rin ang aking baba. Naglitawan ang stretchmarks, lalo na sa aking tiyan.
Hindi lang ako ang nagulat sa mga pagbabagong ito. Pati ang ilang kakilala, lalo na iyong mga matagal kong hindi nakita, ay hindi makapaniwala. Payat nga naman ako noon at saktong-sakto lang ang mga kurba sa katawan. (Andami pa ngang pumuri sa creative shot ko sa college year book namin kung saan ipinangalandakan ko ang aking likod habang walang suot na pang-itaas.)
“Ano’ng nangyari?” madalas nilang tanong sa akin. Kadalasan, hindi ko sinasagot ang tanong na ito. Ako man, hindi sigurado sa kung paano ako umabot sa ganito.
Pero isang bagay lang ang tiyak: Madalas na naman akong hirap humarap sa salamin ngayon.
Hindi ko naman ito araw-araw na iniinda, lalo na’t sa maraming araw, hindi na lang ako halos nananalamin para hindi ko na lang din mapansin ang hitsura ko. “Out of sight, out of mind,” ika nga nila.
Iyon nga lang, may mga araw talaga na napanghihinaan ako ng loob kapag nakikita ko ang sarili ko sa salamin. Minsan, nadaraan ko ang sarili ko sa pep talk. Minsan, hindi talaga. Pakiramdam ko, ang kabuuan ko’y parang pinagkumpol-kumpol na latak ng lahat ng mga panlalait na natanggap ko tungkol sa pisikal kong anyo mula noong bata pa ako.
Hindi ko pa rin binubura ang mga selfie na kinuha ko kani-kanina lang. Parang wala akong planong pakawalan sila. Biruin mo, sa ilang daang araw sa loob ng taong ito, may isa kung saan hindi ko kinainisan ang sarili kong hitsura. Ni hindi ko kailangan ng pep talk sa sarili ko ngayon. Sa katunayan, parang kaya ko pang magbigay ng TED Talk tungkol sa angkin kong kagandahan. How much do I love me? Let me count the ways!
Paggising ko bukas, walang kasiguraduhan kung ganito pa rin ang mararamdaman ko. Pero malamang, hindi na. Ang ganitong feeling kasi, parang mga produkto lang sa supermarket na may expiration date.
Ang hirap pa namang maging babae sa panahon ngayon. Bukod kasi sa salita ng mga kakilalang mapanghusga, nariyan din ang pressure mula sa social media na lagi kang paaalalahanan na hindi ka swak sa kung ano dapat ang hitsura ng isang babaeng kaakit-akit.
Siyempre, dagdag pahirap din ang pandemya. Bukod sa mga di magangandang dulot ng matagalang lockdown sa pag-iisip ng mga tao, matinding pagbabago rin ang dala nito sa pang-araw-araw na galaw ng mga indibidwal. Dahil laging nakakulong sa bahay, pahirapang mag-ehersisyo. Uso rin ang stress eating. Parang ang dali-dali na lalong pumangit at lumobo ngayon!
Kaya, sige na, pagbigyan niyo na ako kung pakiramdam ko’y ang ganda-ganda ko ngayon. Wala munang basagan ng trip. At kapag nag-post ako ng mga selfie ko, huwag niyong lalaitin. No haters, please!
Leave a Reply