Magandang umaga sa lahat—sa mga bisita natin ngayon, sa mga guro, magulang, at siyempre, sa mga completer!
Nakarating na tayo sa exciting part! Congrats sa inyong lahat!
Sa mga magulang, kulminasyon ito ng pagsisikap para mabigyan ng magandang buhay ang mga anak. Sa mga guro, pagwawakas ito ng kabanata kasama ang mga estudyanteng ginabayan sa loob ng ilang taon. Sa mga mag-aaral, pagtatapos ito ng isang bahagi ng buhay at pagsisimula ng isa pa.
Marami sa mga completer natin ngayon, tutuloy sa senior high school. Ang ilan, sa kung ano mang dahilan, sasabak diretso sa kung tawagin ay real world. At siyempre, mayroon din mga tutuloy sa pag-aaral habang kumakayod. Sa anumang kategorya ka nabibilang, isa lang ang hiling ko para iyo: Ang magkaroon ka ng buhay na kasiya-siya o fulfilling.
Sa tingin ko, makakatulong sa pagkamit mo nito ang pagsiguro na nasa tama kang kuwento. Gaano man kaganda sa paningin ng iba ang mga nangyayari sa buhay mo, kung ikaw mismo ay hindi kumbinsido na nasa tama kang istorya, malamang, hindi ka masyadong masisiyahan.
Pero paano mo nga ba masisigurong nasa tamang kuwento ka? Mayroon akong ilang tips na puwede niyong sundan.
1. Take charge of your own story
Maging paladesisyon ka. Isipin mo, wala ka sa isang fictional narrative. True story ito, at hindi ka lang basta main character. Ikaw din ang writer. Kaya huwag kang maging extra sa sarili mong kuwento.
Natutunan ko iyan noong second year college ako’t nagipit nang husto ang pamilya namin. Imbes maghintay na bumuti ang sitwasyon, nagdesisyon akong magtrabaho. Sakto, 18 years old na ako noon. Na-hire ako bilang isang part-time academic tutor. Di nagtagal, pinasok ko na rin ang iba pang raket. Sulat-sulat, edit-edit, tutor-tutor para may pantustos sa pag-aaral at pang-araw-araw na pangangailangan, lalo na’t hindi pa libre noon sa UP. Hanggang sa di ko na lang namalayan, nasa finish line na ako. Pinagpatuloy ko lang ang ganoong mindset. Kapag may gusto ako, pinaghihirapan ko. Pinapangatawanan ko ang gusto kong daloy ng kuwento ko.
2. Take what you need, leave what you don’t
Habang isinusulat mo kuwento mo, makakarinig ka ng opinyon ng iba tungkol sa kung ano ang dapat mong gawin. Di ito maiiwasan dahil kahit sa mga literary work, uso ang pagbibigay ng feedback, solicited man o hindi. Pero kahit sa workshop pa iyan, malinaw na bilang may-akda, ikaw pa rin ang masusunod sa huli.
Ganoon din sa buhay. Kahit anong sabihin ng iba, ikaw at ikaw pa rin ang masusunod—kung anong landas ang gusto mong tahakin, kung sa anong paraan, at kung anong standard ng success ang susundin mo.
Mahalaga ang mga ito, lalo na iyong huli. Sa panahon kasi ngayon, madali tayong mabudol ng social media. Kaka-scroll natin at kakasilip sa kung paano mabuhay ang iba, minsan ang dali nating mapaniwala na dapat ganoon din ang buhay natin. Unhealthy ito dahil may iba’t iba naman tayong gusto sa buhay. Iba-iba rin ang mga privelege na mayroon tayo, pati na rin abilidad.
Noong bata pa ako, akala ko, may isang depinisyon lang ng tagumpay. Kaya noong magtapos ako bilang veledictorian noong high school, ramdam ko ang pressure. Dapat maging successful ako. Pero habang tumatanda, naisip kong hindi ko pala trip ang mga bagay na tipikal na iniuugnay sa tagumpay. Puwedeng iba pala ang meaning nito depende sa tao.
Ngayon, ito para sa akin ang tagumpay: Pagkakaroon ng buhay kung saan hindi ako nasi-stress kung may kakainin pa o kung may panggastos sa ibang pangangailangan. Pagtira sa isang lugar kung saan naroon ang lahat ng kailangan ko. Pagkakaroon ng kakayahayang maghanapbuhay sa paraang gusto ko—sa kaso ko, pagsusulat. Pagkakaroon ng sapat na oras na gawin ang iba ko pang gusto—paglikha, pagbabasa libro, pagtunganga habang nagkakape para magmuni-muni, at pagkakaroon ng quality time kasama ang asawa ko, ang dalawa naming pusa, iba pang kapamilya, at mga kaibigan. Sa madaling sabi, tagumpay na para sa akin ang pagkakaroon ng de-kalidad na buhay na hindi ko kinaiinisan paggising ko sa umaga. Di perpekto, pero hindi ko gustong takbuhan kahit may mga aberya minsan.
Marami pa akong ibang ambisyon. Bilang tao, hindi naman din talaga tayo natatapos mangarap. At siyempre, tagumpay ding maituturing ang pagkamit sa mga iyon. Pero kung ano ang mayroon ako ngayon, masasabi kong kuntento ako.
Sana, mahanap mo rin kung anuman ang makakapagbigay sa iyo ng ganitong pakiramdam. Kaya sana, huwag mong hayaang ibang tao ang magdikta sa iyo ng kung ano dapat ang maging batayan mo ng tagumpay. Kaya kapag may naririnig kang opinyon ng iba, kunin mo lang ang kung ano sa tingin mo ang makakatulong sa iyo. Ang hindi, iwanan mo.
3. If you’re not happy and you know it, don’t be afraid to start over
Hindi totoo na kung nasaan ka ngayon ay di ka na puwedeng umalis. Gawa-gawa lang iyan ng illuminati. Sa karera man o sa personal na relasyon, hindi kailangang magpaka-martir.
Gets ko, hindi lahat ng tao at di puwedeng sa lahat ng oras, puwedeng mag-walkout ka na lang basta. Lalo na kung may mga taong umaasa sa iyo. Pero sige, ganito na lang: Kung hindi man kaya ngayon, edi sa susunod na pagkakataon. Ang mahalaga, hindi mo nakakalimutan kung ano yung sa tingin mo ay deserve mo. Isa pa, magandang simula na rin iyong alam mo na may iba ka pang gusto. Huwag mong bitawan ang kagustuhan mong iyan dahil iyan ang sasagip sa iyo kapag tingin mo ay susuko ka na.
Ilang beses na rin akong naligaw sa maling kuwento. Buti na lang, kahit medyo natagalan, natauhan pa rin ako’t nagkaroon ng lakas ng loob na umalis at magsimula ulit—bad breakups, resignation sa kumpanya na matagal nang pinapasukan, pati pag-drop out sa master’s program kahit thesis na lang ang kulang dahil iba ang gusto kong gawin. Grabe ang kaba ko as mga oras na iyon, pero hindi naman ako makakarating sa kung nasaan ako ngayon kung hindi ko nilakasan ang loob ko.
Kaya huwag kang magpadala sa pressure ng lipunan tungkol sa mga imaginary guidelines at deadlines na naglilimita sa tao, lalo na kapag babae ka. Respect your pace. At, hangga’t maaari, doon ka sa gusto mo. Mas madaling maging magaling sa isang bagay na gusto mong gawin.
4. Focus on characters that add value to the narrative
Sa kuwento mo, may karapatan kang magdesisyon kung sinu-sino lang ang bibigyan mo ng oras at atensiyon. Malaya ka ring huwag bigyan ng airtime sa ang mga taong toxic na walang ibang ginawa kundi iparamdam sa iyo na hindi ka sapat, o kaya iyong mga marites na mas marunong pa sa iyo kahit walang ambag.
Na-bully ako noong high school. Akala ko noon, normal lang iyon kaya kailangan kong magtiis o maghintay na lang hanggang mawala ang inis nila sa akin. Pero pagdating ko sa kolehiyo, nakakilala ako ng mga tao na tanggap ako at kayang sakyan ang mga trip ko. Doon, nagdesisyon akong sila ang mas bigyan ng oras, lalo na’t pakiramdam ko, mas makakatulong sila sa personal growth ko. Hindi naman ako nagkamali, dahil malaki talaga ang naitulong nila sa akin para mas mapayaman ko kung ano ang mayroon ako. At hanggang ngayon, bahagi sila ng support system ko.
Applicable din ito sa mga kaibigan at pamilya. Gaano mo man sila kamahal, kung hindi sila nakakabuti sa iyo, baka kailangang dumistansiya ka muna. Baka ito na rin ang magbibigay sa iyo ng sapat na espasyo para maisulat mo ang istorya na gusto mo.
5. Be comfortable with roadblocks and loose ends
Di madaling maging kabataan ngayon. Ang daming problema sa lipunan at mundo. Mahirap din talaga ang buhay. Ang mahal ng lahat. Kaya kung mahirapan ka man kahit grabe na ang kayod mo, isipin mo, hindi ka nag-iisa. Hindi ka failure. Mahirap talaga kapag sistema ang problema.
Pero di rin ibig sabihin nito, susuko ka na. Magpatuloy ka pa rin habang nananatiling mulat at may pakialam sa lipunang ginagalawan mo. Para hindi ka masyadong mapagod, kailangan maging komportable ka sa ideya na hindi laging aayon sa plano ang mga bagay. Kumbaga sa pagsusulat, kailangan mong tanggapin na minsan may mga roadblock at loose end.
Kahit sa kuwento ng buhay ko, may mga bagay pa rin na hindi ko pa napi-figure out. May mga oras pa rin na pakiramdam ko, hindi ko alam ang ginagawa ko. Pero laban pa rin! Wala namang perpektong manuscript. Kahit iyong mga published na, minsan, may flaws pa rin.
6. Root for your own character
Napansin mo ba, uso sa ating mga Pinoy na kapag may pumuri sa iyo, di mo dapat i-claim? Kapag sinabihan kang magaling, isasagot mo, “Di naman!”
Ganito ako noon. Pero, habang tumatanda, natutunan ko na kapag may pumuri sa gawa ko, ang mas dapat ko palang sabihin ay, “Salamat!” Anong gagawin ko kung talagang pinaghirapan ko naman talaga ang output ko kaya maganda? Sasabihin kong hindi para lang masabing humble?
Dahil sa ganitong mindset, naging mas magaling akong cheerleader ng sarili ko. Lagi kong ina-assess kung kumusta ang gawa ko, at kung sure akong pinagpaguran ko iyon at maganda ang kinalabasan, ike-claim ko talaga. At dahil alam kong ginalingan ko, kahit walang ibang makapansin, at least, malinaw sa sarili ko na deserve ko ang magandang outcome.
Alam ko, minsan, iniisip ng iba, ang delulu ko. Pero sa dami ng nega sa mundo, pati ba naman ako, magiging hater ng sarili ko? Oo, di maiwasan na maging kritikal sa sarili kung minsan. Kailangan din naman iyon. Pero, malaking bagay talaga na alam ko kung kailan magbubuhat ng bangko. At sa totoo lang, sa mga pagkakataong pakiramdam ko ay walang ibang naniniwala sa akin, okey pa rin ako dahil kakampi ko ang sarili ko.
Sana ikaw din. Root for yourself. Maniwala ka sa kakayahan mo, keber kahit isipin ng iba na feelingera ka. Dahil bukod sa pagiging mabuti at patas sa kapwa, mahalaga ring maging mabuti at patas ka sa sarili mo na main character sa kuwentong nililikha mo.
Maganda pa rin ang daigdig. I-romanticize mo ang buhay paminsan-minsan. Celebrate your wins, big or small. Huwag mong pigilan ang sarili mo na sumaya. Dahil ang taong masaya at kuntento, mas may kakayahang maging mabuting anak, kapatid, kapareha sa buhay, kaibigan, kapwa, at produktibong mamamayan.
Kung fulfilled ka dahil alam mong nasa tamang kuwento ka, mas may energy kang mag-ambag ng kabutihan sa lipunan at mundo. Mas kaya mong ipaglaban ang mga adbokasiya na malapit sa puso mo. So, may your delulu come trululu!
Maraming salamat sa pakikinig at isang mainit pagbati muli sa lahat!
Ibinahagi ko ang talumpating ito bilang panauhing pandangal sa Ika-9 na Palatuntunan ng Pag-Angat ng Antas sa San Isidro National High School, Antipolo City, na ginanap noong Mayo 30, 2024.
Leave a Reply