Simple lang ang skin care routine ko, pero feel na feel ko lagi ang paghihilamos sa harap ng salamin sa banyo namin. Pakiramdam ko, main character ako sa sarili kong palabas habang nililinis ang mukha gamit ang facial wash kong malakas maka-sosyal (kahit hindi naman talaga) at nagmumuni-muni tungkol sa mga nangyari na at mangyayari pa lang.
Pero kung minsan, napapatigil ako sa pag-e-emote ko dahil bigla na lang sumusulpot ang aking imaginary hater.
Tulad na lang ngayon. Heto na naman siya, kitang-kita ang mukha sa mismong salamin kung saan ako nakaharap. At tulad noon, may mga pasabog na naman siyang ibinubulong sa akin—mga pasabog na tiyak na yayanig sa aking peace of mind at gigising sa insecurities kong pilit kong iwinawaglit sa isip.
Hindi ko na maalala kung kailan unang lumitaw ang imaginary hater ko. Basta, naging bahagi na lang siya ng buhay kahit di ko naman siya binigyan ng pormal na pahintulot para manatili rito. Sa murang edad pa lang, masigasig na siya sa pagpapaalala sa akin ng mga bagay na hindi nakatutuwa sa hitsura at pagkatao ko. Dahil tuloy sa kaniya, natuto akong maging defensive parati. Akala mo naman, laging inaatake ng kapwa.
“Ang tanda mo na, wala ka pa masyadong nagagawa,” minsan niyang pambungad sa akin.
Ako namang patola, lumaban talaga. Di ko na alam kung pang-ilang beses niya nang sinabi sa akin iyon, pero marami na. Maraming-marami. Kaya punong-puno na talaga ako.
“Ikaw kaya rito? Ang hirap-hirap na ngang mabuhay, ang dami mo pang kuda. Hindi kaya biro ang lahat ng pinagdaanan ko!”
Ang taray! Hindi na tuloy siya nakasagot. Ang problema nga lang, sa sobrang gigil ko sa imaginary hater ko, noong minsang kausap ko iyong kaibigan ko tungkol sa mga pinagkakaabalahan sa buhay, medyo nadamay siya sa tira-tirang galit ko.
“Ay naku, basta ako, wala akong pakialam sa iniisip ng mga kakilala kong alam kong hanggang ngayon ay baliw na baliw sa pagta-track at pakikipagchismisan kung gaano successful na ba ako ngayon!” sabi ko sa kaniya.
Hala! Wala namang nagsasabi sa akin nitong mga nakaraan na may pakialam pa rin sila sa kung ano na ang ginagawa ko sa buhay ngayon. Saan galing iyong ideya na may nagmo-monitor mula sa kung saan mang lupalop ng mundo ng kung gaano na ako kaasensado sa buhay ngayon ngayon? Feeling bida talaga, no?
Hindi lang iyon. Madalas ko ring mahuli ang sarili na bigla na lang nagsasabi sa sarili ng, “Hay naku, Mina! Ang ganda mo! Huwag kang maniniwala sa sinasabi ng iba riyan!”
Pero ang totoo, wala namang dumadaot sa pagmumukha ko’t nagsasabi sa aking pangit ako nang harap-harapan.
Parang ganoon din ang nangyayari kapag napahaharap ako sa salamin sa sala namin at nakikita ang buo kong katawan. Bigla ko na lang maiisip, “Ano naman kung mataba ka? E hot ka pa rin naman!”
Ayos lang naman ang self confidence, pero wala namang nagpapatutsada sa aking hindi ako maganda o hot dahil mataba ako. Saan na naman galing ang hugot ko?
Sa totoo lang, noong nakaraaang taon ko lang natutunan kung ano ang isang imaginary hater. Matapos ito, naisip ko rin, matagal na pala akong namumuhay na may ganoon. Para lang siyang multong walang pangalan at hindi lubusang napapansin—nagpaparamdam, pero ni hindi nasisisi sa tuwing may iiwang kalat o bakas sa sahig.
Natutunan ko ang terminong ito sa isang Facebook page na kung tawagin ay “Mga taong may imaginary haters” na madalas i-tag ng ilang mga kakilala sa comments section ng mga post na feeling main character at kumbinsidong lagi silang inaatake at pinagchichismisan ng iba.
Grabe pa ang tawa ko noong una. Kaya lang, bigla kong naisip na kung tutuusin, bahagi dapat ako ng samahang iyon dahil ramdam na ramdam ko parati na tinitira ako ng kaaway ko na ako lang naman ang nakakikilala, nakakikita, at nakaririnig. Kulang na lang at magparinig din ako sa Facebook o sa Twitter at magyabang na wala akong paki kung ayaw nila sa akin because I love myself, I’m amazing, and I deserve all the great things in the world, they don’t know what I have gone through, but hey, I have made it this far, haters gonna hate, blah blah blah, tapos may hairflip GIF pa.
Minsan na akong nag-isip-isip tungkol sa mga posibleng dahilan ng pagkakaroon ng imaginary hater ng isang tao. Haka-haka ko kasi, may mas malalim na rason kung bakit pakiramdam ng ilang indibidwal, laging sinusundan ng mga matang mapagmatyag at pinagbubulungan ng kung sinong mga marites mula sa malayo. Sino nga naman ang may gusto ng ganoong negativity sa buhay? Kahit siguro certified drama king or queen ka, hindi mo basta-bastang gugustuhin ang magkaroon ng ganoong pakiramdam.
Isa sa mga sinimulan kong pagnilay-nilayan ay iyong mga bagay na madalas ipamukha sa akin ng sarili kong imaginary hater: hitsura, talino, tagumpay, at timbang. Bukod sa paboritong paksa ng imaginary hater ko ang mga ito, patola rin ako parati sa tuwing ang mga ito ang pag-uusapan. Hindi puwedeng wala akong sagot sa tuwing magpapatutsada siya sa akin ng alinmang may kinalaman sa mga aspetong ito ng aking buhay at pagkatao.
At doon na nga ako medyo nagising sa katotohanan. Naisip ko, teka, hindi ba’t ang mga bagay na ito ang pinakamalalaking insecurities ko sa buhay?
Tama nga. Para silang mga bubog na nakabaon sa pagkatao ko’t hindi na naaalis kahit ano pa ang gawin ko. Kaya, sa tuwing may magbabanggit tungkol sa kanila, kahit pa anong sabi ko sa sarili kong ayos na ako’t walang kinikimkim na anuman patungkol sa mga ito, mayroon at mayroong sakit pa rin akong nararamdaman. Kaya naman, defensive ako parati sa tuwing sila ang mapag-uusapan.
Bata pa lang ako, alam ko nang hindi ako maganda. Ang masaklap pa, kahit hindi naman ako nag-feeling kahit kailan na maganda o kahit pa di naman ako nagtatanong tungkol sa hitsura ko dahil alam ko na ang sagot, walang-awa pa rin ang lipunan sa pagpapamukha sa aking hindi ako biniyayaan ng pagmumukha na pang-billboard sa EDSA. Kahit noong minsan akong isinali ng klase namin at nanalo sa isang pageant sa high school namin, alam kong talino at talent talaga ang naging pinakamatinding panlaban ko. Sa madaling sabi, alam ko pa rin kung saan ako lulugar.
Hindi na yata talaga ako naka-recover sa kung paano ako nilait-lait ng ibang kamag-anak noon dahil sa pagiging kayumanggi ko, sa pagiging kulot ng buhok ko, at pati sa laki raw ng mata ko. Di ko rin talaga malimutan noong sinabi ng kapatid ng crush ko noong nasa Grade 3 ako na ayaw sa akin ng kuya niya kasi kulot ako. At sa tuwing mababalitaan ko kung sino ang gusto ng lahat ng gusto ko, lahat sila mas mapuputi sa akin at tuwid ang buhok. At magaganda ang mata nila, di tulad ng sa akin na, ayon sa ilang mga kakilala’y masyadong malaki para sa maliit kong mukha.
Pero, alam kong matalino ako—numero uno sa batch namin mula Grade 1 hanggang 4th Year, hindi matalo-talo ng kahit sino sa daan-daang ka-batch ko. Lagi rin akong nananalo noon sa mga patimpalak, quiz bee man yan o tagisan ng galing sa pagsulat. Masasabi ko ring well-rounded akong mag-aaral na consistent ang performance sa loob man ng klase o sa extra co-curricular activities. Pati nga sa religion classes namin, ginagalingan ko rin parati. Sa kabila ng lahat, madalas pa ring makuwestiyon ang kakayahan ko.
Sigurado ako, malaki ang kinalaman dito ng pagiging babae ko. Iyong mga kalaban ko sa klase na lalaki, hindi naman kinuwestiyon kahit kailan ang kakayahan nila, kahit pa bare minimum lang ang ibigay nila. Pero, pagdating sa akin, kahit gawin ko lahat, mayroon at mayroon pa ring komento na kesyo hindi naman ako kagalingan, gaya na lang noong umiyak yung Top 2 sa klase namin dahil hindi siya makapaniwalang mas mataas ang mga grado ko sa kaniya. Dahil sa ilang taon na ganito ang kalakalan, tumindi ang gigil ko na laging patunayan na matalino ako at karapat-dapat sa lahat ng nakakamtan.
Hindi roon natapos ang paghihirap. Noong nakawala ako sa high school at sa wakas ay napadpad sa isang unibersidad kung saan malaya akong ipakita kung ano ang mga kaya kong gawin, may panibagong delubyo na namang nagsimula: iyong delubyong dala ng mga kakilalang laging nangungulit kung ano na ang narating ko. Nagpatuloy ito noong matapos ko ang kurso ko. Kapag may nakakasalubong sa palengke o nakakasabay sa terminal ng pampublikong sasakyan sa Antipolo, kung saan ako lumaki, lagi’t laging may nagtatanong: “Kumusta ka na, Miss Valedictorian?”
Alam kong wala naman akong dapat ipaliwanag kahit kanino, at noong mga panahong iyon, may ideya na akong hindi ko hahabulin ang tipikal na depinisyon nila ng tagumpay. Pero, may kurot pa rin sa puso ko sa tuwing susukatin nila ang narating ko sa buhay.
At hanggang ngayon, kung kailan mas malinaw na sa akin ang landas na gusto kong tahakin at kung gaano kalayo iyon sa tipikal na anyo ng tagumpay, o kahit pa wala nang nangungulit sa akin kung ano na ba ang napatunayan ko sa buhay (dahil na rin siguro hindi na ako masyadong umuuwi sa Antipolo at in-unfriend ko na sa Facebook ang lahat ng ayaw kong kausapin mula sa mga paaralang pinasukan ko noon), naririto pa rin sa puso ko ang gigil na ipaliwanag ang sarili at mga desisyon. Ang saya tuloy ng imaginary hater ko, dahil may bala na naman siya laban sa akin.
Siyempre, alam din ng imaginary hater kong umiinit ang ulo ko kapag pinag-uusapan ang timbang. Halos dumoble ba naman ang timbang ko nitong huling dekada, tapos marami-raming oras na rin ng buhay ko ang nasayang sa pagsagot ng tanong ng mga tao kung ano ba ang nangyari sa akin at lumobo ang katawan ko.
Ayan tuloy, kahit na wala nang nagsasabi ngayon nang harap-harapan sa aking ang taba-taba ko (dahil na rin hindi ako masyadong lumalabas at nakikipagkita sa iba dahil sa pandemya), lagi pa ring naka-activate ang defensive mode ko sa tuwing darating ang usapan sa timbang. Hindi tuloy nakapagtatakang paborito akong asarin ng imaginary hater ko tungkol dito, lalo na kapag sumusulpot siya habang pinagmamasdan ko ang repleksiyon ng buo kong katawan sa salamin.
Okey, hindi pa naman ako umaabot sa pagpo-post sa social media, kaya siguro, hahit paano’y masasabing di pa gaanong malala ang imaginary hater syndrome ko. Baka medyo umeepekto rin naman ang paunti-unting diskarte ko para kumalma at unti-unting matanggap sa sarili na hindi ako ang sentro ng uniberso at lalong walang panel of judges na nagkikita-kita nang regular para lang pag-usapan ang mga nangyayari sa buhay ko. Dahil na rin siguro sa pagtatangka kong ito kaya nabawasan na rin ang pagkikita namin ng aking imaginary hater.
Pero, hindi ibig sabihin nito’y wala na akong dapat gawin para tuluyan siyang masupil, lalo na’t hindi talaga masaya ang pakiramdam ng parang laging may umaatake sa iyo, na para bang kalaban mo ang buong sangkatauhan, kahit minsan na lang itong mangyari.
Gaya na lang ngayong nakikita ko ulit siya matapos ang matagal-tagal na panahon. Oo nga, hindi na kasing dalas nang dati ang pagsulpot niya, pero ang lakas pa rin talagang makabasag ng trip. At ngayon pang ang saya-saya ko lang at feel na feel kong mag-inarte sa harap ng salamin. Heto, pinagsasabihan niya naman akong may mga naiirita na sa mga post ko sa Instagram ng kung anu-anong magagandang bagay na mayroon ako.
“Flex ka nang flex, e hindi naman sobrang impressive ng narating mo sa buhay,” sabi niya ngayon.
Nakakainis, di ba? Ang epal lang. Ang gusto niya yata talaga, mag-post ako ng parinig sa mga taong naiinggit sa akin na kesyo hindi raw impressed sa mga low-key flex ko, kahit wala naman talagang umaaway sa akin, at kahit hindi naman talaga dapat i-overthink ang mga post ko dahil, wala lang, gusto ko lang mag-post! Bawal ba iyon?
O, baka gusto ng imaginary hater kong magsulat pa ako ng sanaysay tungkol sa kaniya, sa mga mga hinala ko kung paano siya nabuo, at kung sino ba talaga siya. Kung ito man ang balak niya, edi mananalo na naman siya.
Ewan! Siguro, hindi na rin masama. Dahil, oo nga pala, ang panalo niya ay panalo ko rin. Dahil ang imaginary hater ko ay ako rin — ang bersiyon kong binubuo ng lahat ng masasakit na salitang ibinato sa akin noon na sa kalauna’y nagkatawang-tao haggang sa naging kawangis ko na.
At heto pa rin nga siya, nakatitig sa akin sa salamin, hindi pa rin tumitigil sa pagpapaalala sa aking may mali sa akin, kaya hindi ko pa rin maituloy ang paghihilamos ko. Parang ayaw niya talagang matahimik ako. At alam niya ring anuman ang sabihin ko, may hapdi pa rin sa puso ko ang mga salita niya. Alam niya, sasagot at sasagot pa rin ako sa mga sinasabi niya kahit mukha lang akong tangang bumabanat sa kaaway na hindi naman nakikita o naririnig ng iba.
Pero, gaya nga ng sabi ko kanina, hindi ako dapat magpatalo. Kailangan kong lumaban, at baka puwede ko itong simulan sa maliliit na pamamaraan. Baka kailangan ko ring balikan ang therapy na tinigilan ko ilang buwan na ang nakalilipas.
Leave a Reply