Dahil sa kagustuhan kong protektahan ang aking sikmura, tumigil na ako sa pag-inom.
Nakakalungkot, lalo na’t nasa bahay lang ako at madalas na mag-isa. Masarap sanang uminom ng beer o kaya ng pipitsuging wine habang nagtatrabaho, nanonood ng kung anu-anong palabas online, nagbabasa, o kahit nakatunganga lang at walang ginagawa.
Ayan tuloy, hindi ko pa rin nagagalaw ang mga beer at ang wine sa ref. Kung wala lang akong iniindang sakit, malamang, ubos na sila. Malamang, maya’t maya rin ang bili ko ng inumin sa convenience store sa baba ng building namin. Pucha, bakit ba naman kasi ganito? Nakaka-miss tuloy uminom.
Pero sige, isang paglilinaw pala: Pag-iinom lang talaga ang nami-miss ko at hindi yung pagkalasing. Tipsy, puwede pa. Cute lang ako’t medyo makulit kapag ganoon. Pero kung talagang lasing, hindi ako masayang kasama.
Yung mga kabarkada ko, ayaw nang nalalasing ako. Isang beses lang nilang nakasama si Drunk Mina at ayaw na raw nilang makita siya ulit. Bukod kasi sa hinahamon niya ng away ang kaibigan naming judoka, mahirap din siyang alagaan kapag may hang over. Ang aga-aga, nanghihingi na siya ng kung anu-ano: tubig, Gatorade, painkillers para sa sakit ng ulo, pagkain. Nang-aabala siya ng mga kaibigang sabaw din lalo na’t halos walang tulog dahil sa inuman.
Kahit ang karelasyon ko, nahihirapan sa akin kapag nalalasing ako. Noong nakaraang napalaban kami sa inuman, umangal ako sa kaniyang hindi ko na kayang umuwi kaya nagpalipas na lang muna kami ng gabi sa isang hostel sa Poblacion, malapit lang din sa kung saan kami nagwalwal. Sa kuwarto namin, grabe ang pagsusuka ko. Ni hindi ko pinatawad ang basurahan sa tabi ng kama na sinukahan ko matapos magsabing, “Hindi na ako iinom ulit!” Hanggang ngayon, nagtatawanan pa rin kami kapag naaalala namin ang gabing iyon.
“Hindi na ako iinom ulit.”
Naku, ilang beses ko na bang sinabi yan bago magsuka, habang nagsusuka, at matapos magsuka? Hindi ko na mabilang. Sa pagkakaalala ko, bukambibig ko rin iyan noong kasagsagan ng pagwawala at pagkakalat ko noong mula 2013 hanggang 2017.
Bukambibig ko iyan noong nagtatrabaho pa akong writer sa isang SEO company sa Makati. Doon kas lumala ang pagiging manginginom ko. Kung saktong inom lang ang trip lang sa Sarah’s at Spazzio ang trip ko noong undergrad lalo na’t kailangan laging bumiyahe pauwi sa Antipolo, biglang naging pangmalakasan ang pagkauhaw ko sa alak sa Makati dahil may lugar na matutuluyan sa malapit.
Paborito ko rin ang linyang iyan noong sa may Technohub ako nagtatrabaho’t naninirahan sa bandang Matalino Street noong 2015. Noon kasi, madalas din akong uminom kasama ang mga kasamahan sa trabaho at mga kasama sa bahay. Kung minsan nga, sa sahig lang ng aalog-alog na apartment kami nag-iinuman.
Ilang beses din ako nangakong hindi na ulit titikim ng alak noong nakatira pa sa Taft, bandang 2016. Dahil malapit sa Makati at mura ang Uber noon, madalas akong tumambay sa opisina namin malapit sa Glorietta kahit puwede namang work from home. Ang gusto ko kasi roon, malapit sa Greenbelt na kung saan naroon ang Dillingers. Doon, madalas akong mag-inom mag-isa pagkatapos ng trabaho. Tipong nakaupo lang sa bar, painom-inom ng beer o kaya’y long island iced tea, at payosi-yosi habang nagbabasa ng libro.
At, siyempre, ganyan pa rin ang linyahan ko noong sa bandang Maginhawa na ako nakatira mula 2018 hanggang 2019. Palibhasa’y kaladkarin ng mga kaibigang kapwa manunulat at manginginom, madalas kong malimutan ang konsepto ng limitasyon pagdating sa pag-inom ng alak noong mga panahong iyon. May mga linggong gabi-gabi kaming umiinom at kung minsan pa nga, sinusuyod namin ang mga paborito naming inuman sa lugar sa loob ng isang gabi: Sarah’s, Black Fork Bistro, Sagul, TK, Flying House. Kung hindi pa rin kami kuntento, pati Pork Barrel sa Kalayaan ay nararating din namin.
Ilang beses man akong sumumpa na titigil na sa pag-inom, hindi pa rin naman basta nahinto ang bisyo ko. Iyon pala kasi, matinding paghapdi ng sikmura lang ang makapagpapatigil sa akin.
Leave a Reply