Halos isang taon na ang lumilipas mula noong matanggap ko ang email na talaga namang nagpatili sa akin—ang notice of fellowship ko sa 61st Silliman University National Writers Workshop.
Sa totoo lang, gusto ko rin talagang magtatalon sa saya nang mabasa ko ang email na iyon. Ang kaso lang, pipilay-pilay ako noong gabing iyon dahil sa isang minor accident na naging dahilan ng pagka-sprain ng kanang ankle ko. Kaya tumalbog-talbog na lang ako sa kama na parang siopao na nalaglag sa lapag ng 7-Eleven at nagpatalbog-talbog muna imbes pumirmi agad sa sahig.
Sobrang excited ko sa workshop. Sa tindi ng excitement ko, anim na minuto pa lang mula nang matanggap ko ang email na nagsasabing napili akong fellow ay nag-confirm na agad ako ng attendance. Ni hindi ko na naisip magpaalam muna sa trabaho. Buti na lang, hindi nagalit ang manager ko noong sinabi ko sa kaniya na mawawala ko ng dalawang linggo simula sa huling linggo ng Hunyo.
Bakit nga ba ako excited?
Una, ang exciting ng idea ng pagkakaroon ng dalawang linggo na nakatuon sa malikhaing pagsulat sa ilalim ng mga magagaling na panelist.
Pangalawa, ang ganda ng ideya na di ako magtatrabaho sa loob ng dalawang linggo, tapos nasa Dumaguete pa. Bongga.
Isa pa, libre ang tutuluyan at pagkain. May transpo allowance pa na kayang i-cover ang plane fare ko papunta at pabalik. Ibig sabihin, hindi ko rin masyadong problemahin ang mga gastusin.
Siyempre, gusto ko ring makita at maka-bonding ang mga kaibigan kong nakabase na sa Dumaguete. Alam ko, maraming tsaa ang naghihintay sa akin doon.
O, diba, ang dami agad dahilan!
Pero ang hindi ko alam, hindi lang pala ang mga ito ang magiging rason kung bakit magiging masaya at memorable ang workshop na iyon para sa akin—dahil marami pa talagang iba.
Ito ang iilan sa kanila:
Makukulit Na Co-Fellows
Isa sa mga pangamba ko bago magsimula ang workshop ay kung paano ako makikisama sa mga co-fellow. Naisip ko kasi, baka masyado silang seryoso o kaya naman ay sobrang behave. Baka hindi swak ang mga trip namin sa buhay, pati na rin ang humor namin.
Guess what? Ang ang kukulit din pala nila, kagaya ko! Bentang-benta sa kanila ang kanal humor at kung minsan pa nga, nahahaluan na ng kadugyutan ang mga biruan namin.
Ang mas nakakatuwa pa, unang gabi pa lang na magkakasama kami, feeling close na agad kami sa isa’t isa. Grabe agad ang mga usapan sa Davao Cottage kung saan kami tumuloy, at kahit gaano kainit ang diskusyon, ni walang nagkakapikunan.
Sa sobrang clingy ng batch namin, nagkita-kita agad kami sa Metro Manila dalawang buwan matapos ang workshop.
Pangmalakasang Siquijor Trip
Isa talaga sa mga di inaaasahang highlight ng workshop experience ko ay yung overnight trip namin sa Siquijor noong weekend break namin.
Alam ko naman noong una pa lang na mangyayari talaga iyon dahil sobrang lapit ng Siquijor sa Dumaguete, pero hindi ko inasahang magiging sobrang saya ng lakad.
Imagine, ibang level na ang closeness naming mag fellow—tipong nonstop na ang pando-dogshow namin sa isa’t isa kaya—kaya walang katapusan ang kuwentuhan at tawanan namin, mula pa lang sa port kung saan kami sumakay ng ferry papuntang Siquijor hanggang sa mismong accommodation namin sa isla.
Siyempre tuloy pa rin ang ligaya sa pag-iikot namin sa isla, pati na rin sa pagbalik sa Dumaguete. At, gaya ng inaasahan, mas naging tight pa ang grupo namin pagkatapos ng overnight trip. Ika nga nila, core memory.
Walang Katapusang Kainan, Inuman, At Kuwentuhan
Isa sa mga paborito kong parte ng araw namin bilang fellows ay ang pagkukumpulan namin sa isa sa mga long table sa Davao Cottage, kung saan madalas kaming kumain at magkuwentuhan. Doon, mas nakilala namin ang isa’t isa. Sa mesang iyon din nabuo ang napakaraming inside jokes na mayroon kami.
Siyempre, masaya rin ang mga kainan at kuwentuhan sa mga venue ng workshop, lalo na sa conference room ng Anthopology Museum sa Hibbard Hall kung saan ginanap ang regular sessions namin. Hindi naubusan ng pag-uusapan ang mga tao sa tuwing may break.
Memorable din ang mga session namin sa labas, lalo na iyong sa Cafe Panganod sa San Jose, Negros Oriental. Noong oras tuloy ng tanghalian, kani-kaniyang umpukan ang mga tao sa dami ng mga usapang nangyayari nang sabay-sabay. Pili ka na lang kung anong usapan ang gusto mo salihan!
Masaya rin ang kainan sa Pulido Hall na official dining hall namin. Ang kaso lang, dahil may kalayuan yun sa Davao Cottage at hindi pa tuluyang magaling ang paa ko noon dahil sa isang injury, may mga araw na hindi ako roon kumain.
Marami ring masayang kuwentuhan kasama ang mga co-fellow sa tuwing magkakayayaan magkape, sa Kohi man yan na katapag lang ng Davao Cottage, sa Bricks Hotel na nagbebenta rin ng alak, o sa Rollin’ Pin na bilihan namin ng kape sa umaga, lalo na’t malapit ito sa venue ng workshop sessions.
Speaking of Rollin’ Pin, naging almusalan ko rin ito sa mga araw na hindi talaga kaya ng paa ko na rumampa hanggang Pulido Hall. At ang totoo niyan, marami-rami rin akong naaya rito.
At siyempre, pinakamasaya ang kuwentuhan kapag may alak. Laking pasalamat ko tuloy sa sikmura ko dahil nakisama siya sa loob ng dalawang linggo na halos gabi-gabi akong umiinom. Siguro na-FOMO ako nang malala kung hindi naging cooperative ang tiyan ko dahil mas napupunta talaga sa exciting part ang usapan kapag may inuman.
Sa sobrang saya ng experience, di namin maiwasang magbiruan minsan kung workshop nga ba talaga ang ipinunta namin sa Dumaguete o extended outing. Pero kidding aside, sobrang dami naming natutunan! Baon ko sa pag-uwi ang gigil na magsulat pa nang magsulat at paghirapan siyempre ang rebisyon ng mga piyesa kong isinalang sa workshop na ito.
Leave a Reply