Mahilig ako sa piniritong pagkain. Kahit noong maliit pa ako’t nakatira sa bahay ng lolo at lola ko kung saan laging masarap ang ulam, baliw na baliw na talaga ako sa kahit anong pinirito. Ang totoo, sa sobrang kabaliwan ko, madalas ko pang ipagpalit ang masasarap na putahe tulad ng kaldereta at sarsiyado sa piniritong Tender Juicy.
Mas lalong umigting ang pagmamahal ko sa pinirito nang pumisan ako sa nanay ko. Hindi siya marunong magluto. Madalas ding kapos sa budget, kaya delata ang kadalasang ulam namin. At siyempre, hindi nawawala sa listahan ang mumurahing meat loaf ng Argentina. Sa halagang P14.50, may ulam na kaming mag-iina.
Kapag may pera, lalo na kung kasusuweldo lang ng aking amain, namimili rin kami ng kung anu-anong uri ng processed meat na masarap ding prituhin. Ham, embutido, longganisa, tocino — sarap na sarap ako sa mga ito. Ni hindi ko nga maintindihan noon yung ibang tao na nagrereklamo sa puro prito. Kesyo tuyong-tuyo raw, kaya naghahanap ng sabaw. Para sa akin, kapag pinirito, panalo!
Di tuloy nakapagtataka na mas sineryoso ko pa ang pagmamahal ko sa piniritong pagkain noong pumasok ako sa kolehiyo. Napadpad ako noon sa Baguio para roon mag-aral at kinailangang tumira sa isang boarding house. Dahil malayo sa pamilya, mas naging malaya ako pagdating sa pagpili ng pagkain. Siyempre, piniritong ulam ang halos inaraw-araw ko. Bukod sa tipid sa oras ang paghahanda at mura, gustong-gusto ko rin talaga sila.
Sakto, mahilig din sa pinirito yung isang kabahay ko. Madalas, sabay kaming pumunta sa supermarket at doon, bumibili kami ng iba’t ibang brand ng mga delata at processed meat dahil curious lang kami sa kung ano nga ba ang pagkakaiba nila sa isa’t isa. Isa pa, dahil sa trip naming ito, mas marami rin kaming oportunidad na kumonsumo ng mga piniritong pagkain.
Siyempre, nalulong din kami sa fast food. Kahit kalagitnaan ng gabi, lumalabas kami’t naglilibot sa mga kalye ng Baguio gaya ng Session Road para maghanap ng makakainan at maibsan ang aming cravings. At oo, fast food chains ang kadalasang takbuhan namin. Sarap na sarap kami sa pagpapakasasa sa fries, burger, nuggets, chicken fillet, at kung anu-ano pang mamantika’t makasalanan pero masarap na mga pagkain. Maluwag-luwag kami sa pera noon sa pamilya, kaya may pantustos sa bagong bisyo.
Pagkatapos ng isang taon sa Baguio, lumipat ako sa Diliman, kung saan naman tumindi ang pagkalulong ko sa silog at sa iba pang piniritong pagkain tulad ng siomai, lumpiang toge, at piniritong tokwa. Pati ang mga gusto kong meryenda, panay nilublob din sa mantika: banana cue, proben, at karyoka.
Noong nagsimula akong magtrabaho, mas lalo akong nabuwang fast food. Lalo na noong mapadpad ako sa Makati, kung saan kada kanto ay may McDonald’s at Jollibee. Noong 2013 pa nga, halos cheeseburger lang ang kinakain ko sa araw-araw. Hindi ako nagsasawa. At sa tuwing mag-iinuman kaming magkakaopisina, sa McDonald’s kami laging nagpapalipas ng tama. Habang nagkakape, lumalamon kami ng sangkaterbang fries.
Ngayon, masasabi kong hindi pa rin kumukupas ang pag-ibig ko para sa piniritong pagkain. Kahit anong pilit ko sa sarili na kumain ng mas masusustansiyang pagkain, lalo na’t marami-rami na rin akong natutunang recipe nitong mga nagdaang taon at sigurado rin akong masarap ako magluto, binabalik-balikan ko pa rin ang aking prito favorites.
At dahil sa quarantine, mas nawiwili pa ako ulit sa pinirito. Dahil nakakulong lang sa bahay, mas ramdam ko ngayon ang pagkaumay sa tila walang katapusang sikulo ng trabaho’t gawaing bahay. Noong una, masipag pa akong magluto ng iba’t ibang putahe. Pero matapos ang ilang linggo ng paulit-ulit na gawain, dagdag pa ang pagkabagot dahil sa bagal ng usad ng buhay, mas ginugusto ko na lang nitong mga nagdaang araw na magprito lang nang magprito para mapasimple at mapabilis ang paghahanda ng pagkain.
Kaya nga lang, sa paulit-ulit kong pagpiprito, natauhan ako sa isang mapait na katotohanan: Hindi pala ako magaling magprito. Bukod sa hindi pantay na luto, kadalasang problema ng pinirito ko ang hindi magandang testura. Halimbawa, imbes na malutong ang balat ng manok, nagiging mamasa-masa ito kaya nakatatamad kainin.
Buti na lang at nadiskubre ako ang Salt, Fat, Acid, Heat: Mastering the Elements of Good Cooking ni Samir Nosrat. Binasa ko ang buong libro sa pag-asang marami akong matututunan tungkol sa pagluluto, lalo na pagdating sa pagpiprito.
Hindi naman ako nabigo, dahil maganda talaga yung libro at siksik sa kaalaman. Isa sa mga pinakatumatak sa aking tips ay iyong tungkol sa maagang paglabas ng karne mula sa refrigerator para masigurong hindi na ito nagyeyelo sa oras na iluluto na ito. Nalaman ko rin ang magagandang epekto ng paglalagay ng asin sa karne na nakatutulong para magkaroon ng mas magandang luto. At siyempre, naroon din ang paggamit ng tamang temperatura sa tuwing nagpiprito para hindi sunog sa labas pero hilaw sa loob ang karne. Napansin kong umayos nga ang mga lutuin ko nang sundin ko ang tips na ito.
Pagkatapos, bigla ko namang natutunan ang tungkol sa airfryer. Nalaman ko sa kaibigan ko kung gaano ito kadaling gamitin at kung gaano kaganda ang luto nito. Mas mainam din daw ito sa kalusugan dahil hindi na kailangang gumamit ng mantika. Ang totoo, sinasalo pa nito ang sobrang mantika mula sa pagkaing piniprito.
Napabilib ako nang husto rito, kaya naman nagsimula akong magtingin-tingin online ng kung anong magandang airfryer ang magandang bilhin. Naghanap din ako ng brand na hindi sobrang mahal. At, matapos ang ilang linggong pagbabasa-basa, nakita ko rin sa wakas ang brand at uri ng airfryer na swak sa amin.
Ngayon, tuwang-tuwa ako sa mga piniritong pagkain dito sa bahay. Mapa-dimsum, beef strips, french fries, o manok man ang isalang ko sa bagong airfryer namin, sigurado akong maganda ang magiging kalalabasan nito. Dahil dito, pakiramdam ko, nag-level up na ang debosyon ko sa piniritong pagkain.
Hindi na rin ako makapag-antay pa sa marami pang piniritong matitikman ko sa hinaharap. Pero siyempre, susubukan ko pa ring kumain ng mas maraming masustansiyang pagkain.
Leave a Reply