Sa Los Baños, Mas Naunawaan Ko Ang ‘Pahinga’

Isa sa mga toxic trait ko bilang tao ay ang pagkakaroon ng di maubos-ubos na kagustuhang gumawa ng kahit ano sa anumang oras, kahit pa pagod na pagod na ako. Madali akong ma-guilty sa tuwing walang ginagawa dahil pakiramdam ko’y nagsasayang lang ako ng oras.

Ang mas malala pa, madalas kong madala ang ganitong gawi kahit sa bakasyon. Imbes na huwag magplano masyado at sumunod na lang sa agos ng mga pangyayari, nag-iisip ako ng mga agenda at sinisigurong dala ko lahat ng bagay na puwede kong kailanganin para makumpleto ang mga ito. Ang bag ko tuloy, laging puno ng mga gamit. Mayroong mga gamit panulat, may gadget na magagamit sa pagbabasa at pagta-type, at kung anu-ano pang mga abubot na sa tingin ko’y di ko dapat iwanan.

Ganito rin ang nangyari noong nag-empake ako para sa anim na araw naming gala sa Los Baños. Ang sabi ko pa habang naghahanda sa aming pag-alis, kailangang makatapos ko ng tatlong sanaysay para umabot sa hinahabol kong deadline. Nakaplano na rin sa utak ko ang susunod na librong babasahin. Itinaga ko rin sa bato na magiging abala ako sa halos kabuuan ng lakad na iyon kaya hindi ako masyadong makikipagkita sa mga kakilala.

uplb
uplb freedom park
uplb dl umali hall

Pero hindi iyon nangyari. Wala akong natapos na sanaysay, kahit isa. Hindi ako nakatapos ng kahit anong libro. Ni wala akong journal entry na naisulat sa dala kong notebook. At, higit sa lahat, natulog ako nang natulog at tumunganga nang tumunganga na para bang walang kahit anong iniintindi sa buhay. At kumain ako nang kumain, nagkape nang nagkape habang ninanamdam ang kagandahan ng buhay na mabagal at kung saan wala halos nangyayari.

Sa ganitong paraan ko mas naunawaan ang tunay na esensiya ng pahinga.


Isa sa mga paborito kong alaala mula sa lakad namin ay noong tumambay lang kami sa kuwartong tinutuluyan habang nakikinig sa mga kanta ng APO Hiking Society. Pangalawang araw pa lang iyon ng aming bakasyon, at dahil medyo maulan, tinamad kaming maglakad-lakad sa labas. Sakto rin naman dahil oras ng siesta. Sa madaling sabi, akmang-akma ang oras para sa paghilata.

elbi

Walang cell phone reception sa loob ng kuwarto at mahina rin ang WiFi. Pero buti na lang at dinala ko ang digital audio player ko. Ikinonekta ko iyon sa dala kong maliit na speaker at saka kami nakinig sa musika habang nakahiga lang at naghihintay sa wala.


Isang paglilinaw: Sinubukan ko talagang magsulat, at sa totoo lang, hindi naman talaga ako nabokya. Kaya lang, hindi talaga ako makapokus kahit anong gawin ko, at kahit sige lang ang laklak ko ng matapang na kape habang iniimbitahan ang espiritu ng pagiging produktibo na sumapi sa akin, lumipad pa rin talaga ang diwa ko. At nagpadala naman ako sa huli.

Sinubukan ko ring magbasa, pero hindi ko talaga maituloy. Para bang kahit anong pilit kong unawain ang mga salita, pangungusap, at talata sa harap ko, walang nangyayari. Parang ka-date na walang spark, kaya gusto mo na lang i-ghost. Kaya ayun, sumuko na lang din ako.

Sa kasagsagan ng katamaran ko, na tinumbasan din ng katamaran ng asawa ko, naisipan naming magpunta sa hot spring. Doon kami napadpad sa 88 Hotspring Resort and Hotel na lagi naming nakikita sa tuwing mapapadaan kami sa lugar. Naisip namin, iyon na ang tamang panahon para sa wakas ay pumunta roon.

Nakakatawa dahil nagdala pa talaga ako ng tablet, bluetooth keyboard, at mouse doon. Bitbit ko rin ang notebook at mga fountain pen ko. Baka sakaling magkaroon ng kaunting sipag sa pagsusulat, sabi ko sa sarili. Pero sadyang malakas ang tawag ng pahinga, lalo na noong nasa mismong resort na kami.

88 hot spring laguna
88 hot spring laguna

Bukod sa maganda ang view mula roon at feel na feel mong malapit ka sa kalikasan, mayroon din iyong sariling restaurant at spa. Komportable rin ang kama sa kuwarto kung saan kami nagpalipas ng gabi: malambot ang mattress pero sapat ang back support, at may weighted blanket itong kapares para mas masarap ang tulog ng guests. At siyempre, na-enjoy din namin ang pagbababad sa jacuzzi, lalo na noong gabi. Para bang nabanlawan ang lahat ng pagod na nanuot sa aming mga kasu-kasuan, hanggang sa tuluyan na silang nalusaw ng maligamgam na tubig. Presko rin ang pagbababad namin sa pool, lalo na noong kinaumagahan kung kailan matindi naman ang init.


Hindi ko na mabilang kung nakailang tasa ako ng kape sa kabuuan ng lakad namin. Pagdating na pagdating pa lang namin doon, kape na kaagad ang laman ng isip ko. Kaya ayun, nagbaba lang kami ng gamit sa kuwartong tinuluyan namin at saka naghanap ng mapagkakapehan.

Nakasasabik na medyo malungkot ang naging karanasan ko sa pagkakape sa kabuuan ng biyahe namin. Kahit kasi maraming bagong puwedeng subukan sa paligid at loob mismo ng UP Los Baños, may mga nawala rin dahil pandemya. Damang-dama rin namin ang pagbabagong-anyo ng lugar.


Kalmado ako hanggang sa mga huling oras na iginugol namin sa Los Baños bago bumalik ng Metro Manila. Ibang-iba ito sa tipikal na gawi ko. Madalas kasi, para akong contestant sa Amazing Race bago ang pormal na pagtatapos ng isang lakad: naghahabol ng oras at natataranta sa lahat ng mga gusto at kailangan pang gawin bago umuwi.

Imbes maghabol ng mga gawain, tumambay lang ako sa coffee shop. Kumain din kami nang hindi nagmamadali. Ang totoo niyan, walang habas pa ang kuwentuhan namin na para bang walang oras na iniisip. At, kahit noong nakasakay na kami ng bus pabalik sa Makati, kung saan kami nakatira, kalmadong-kalmado pa rin ako. Walang kahit anong bahid ng paranoia. Sabi ko tuloy sa sarili noong mga oras na iyon, “Aha, ganito ang tunay na pahinga!”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *