Isa sa mga pinakapaborito kong lakad noong 2019 ay ang pagpunta ko sa Lucban, Quezon. Naimbitahan ako ng isang kaibigan para magbigay ng talk sa creative nonfiction sa event ng paaralan kung saan siya nagtuturo.
Mahal ko ang Lucban. Marami akong masasayang alaala sa bayang ito, mula sa Regional Press Conference na sinalihan ko noong 2006 na siksik sa gala at ghost stories (malapit ang paaralang tinuluyan namin sa sementeryo at sa isang sapa kung saan daw may mga engkanto), hanggang sa mga panandaliang dalaw ko roon para sa Pahiyas Festival. Kaya naman, lalong di-matawaran ang pagkasabik ko a biyaheng ito.
Maaga raw magsisimula ang event, kaya bumiyahe na ako pa-Lucban isang araw bago ang talk ko. Sakto, gusto ko ring makapasyal-pasyal sa bayan dahil matagal-tagal na rin akong hindi nakakabalik. Isa pa, marami namang puwedeng tuluyan sa lugar na maganda ang lokasyon at sulit ang presyo.
Maaga akong pumunta sa sakayan ng bus sa Buendia noong araw ng biyahe ko. Matagal ang paglalakbay, lalo at ilang bayan din ang dinaanan. Medyo kabado ako dahil iyon ang unang beses kong sumakay ng pampublikong bus pa-Lucban. Madalas kasi, may service kapag nagagawi ako roon. Pero buti na lang at tinuruan ako ng kaibigan ko kung saan bababa sa Lucena at kung saan hahanapin ang mga jeep papuntang Lucban. Mabait din ang konduktor ng bus na nasakyan ko. Bago ako bumaba sa may Diversion Road sa Lucena, inginuso niya pa sa akin kung saang direksyon ako dapat pumunta para hindi maligaw.
Pasado ala una ng hapon na ako nakarating sa Lucban. May kalakasan ang ulan, kaya napadesisyunan kong kumain muna at tumambay sa kung saan. Iyon nga lang, inaantok ako’t pagod sa biyahe, kaya wala pang lakas na maghanap ng magandang puntahan. Kaya iyon, sa Buddy’s ang bagsak ko. Nag-order ako ng Lucban longganisa, ang pinakamasarap na longganisa sa balat ng lupa! Sinabayan ko ito ng kanin at itlog, pati na rin kape.
Pagkatapos kumain at tumunganga, dumiretso muna ako sa aking tutuluyan. Buti at mahina na ang ulan kaya naglakad na lang ako. Malapit lang din iyon sa plaza, kaya kayang-kaya. Doon, nagbaba ako ng gamit at nagpahinga. Pagkatapos, naisipan kong lumabas ulit para sa magpamasahe. May branch kasi roon ang paborito kong spa.
Nakatulog ako habang nagpapamasahe, kaya pakiramdam ko ang lakas-lakas ko pagkatapos ng session ko roon. At dahil buhay na ulit ang diwa, naisipan kong huwag muna bumalik sa tinutuluyan. Sa halip, pinuntahan ko ang Pepe n Mary’s, ang kainan at kapehang nirekomenda ng kaibigan ko.
Natuwa ako sa kape nila. Akalain mo, puwede kang mamili ng mula sa iba’t ibang brewing methods! Chemex ang pinili ko dahil iyon pa lang ang hindi ko pa nasusubukan. Madalas, French press at pour-over ang gamit ko sa bahay. Ang aeropress, nasubukan ko na rin sa maliit na coffee shop sa loob ng isang laundromat sa Maginhawa. Bukod sa kape, kumain din ako ng cheese sticks na paboritong-paborito ko.
Matagal akong tumambay doon. Nagsulat-sulat din kasi ako, saka nag-ayos ng Powerpoint para sa talk kinabukasan. Bandang alas sais, sinundo ako ng kaibigan ko at niyaya papunta sa paaralan kung saan siya nagtuturo. Doon din ang talk ko. May short film festival daw ang mga mag-aaral, kaya may mga ipapalabas sa gabing iyon. Sumama naman ako.
Ang galing ng gawa ng mga bata! Sa totoo lang, walang-wala yung production skills ko noong nasa ganoon akong edad. Marami ring pelikula ang may potensyal pagdating sa kuwento. At ang acting, ibang klase rin. Halatang hindi lang basta biro-biro ang proyekto nila.
Kumain kami ng hapunan pagkatapos manood ng short films. Doon kami napadpad sa isang cafe malapit lang din sa paaralan. Crispy bagnet kare-kare yung kinain ko, at oo, nag-order ulit ako ng kape. Habang kumakain, todo rin ang kuwentuhan namin.
Hindi ko na maalala kung anong oras kami natapos sa huntahan, pero basta gabi na. Sumakay ako ng tricycle papunta sa tinutuluyan, kung saan nanood pa ako ng TV, nagbasa, at tumunganga. Sa madaling sabi, halos hindi rin ako natulog. Hindi rin naman iyon nakakagulat dahil hindi talaga ako palatulog kapag nagbibiyahe. Pakiramdam ko kasi, kailangan kong sulitin ang bawat sandali sa lugar na dinadalaw.
Sabaw na sabaw ako kinabukasan. Pero ang mahalaga, hindi ako nahuli sa pupuntahan. Nag-check out agad ako sa nirentahang kuwarto, naglakad papunta sa plaza para sa kaunting sight seeing, at saka sumakay ng tricycle papunta sa venue. Dumating ako roon halos kalahating oras pa bago ang simula ng event.
Buti na lang, masaya ang opening program kaya hindi ako inantok. Dumating din ang ibang tagapagsalita sa araw na iyon, at nagkataong marami kaming common friends nung naka-assign sa fiction. Di tuloy namin namalayan, biglang close na rin kami. Sakto, taga-QC rin pala kami pareho noon.
Pagkatapos ng opening program, hinati na ang mga bata depende sa kung ano ang genre na pinili nila. Dahil mas kaunti ang mga pumili ng creative nonfiction, ang genre namin ang pinalipat sa isang classroom sa baba lang ng main hall. Doon nangyari ang munti kong talk na sinundan din naman ng isang writing contest. Ako ang hurado, siyempre.
Iniwan ko muna ang mga bata habang nagsusulat para makasilip sa main hall. Sakto pala, naroon na ang isa pa naming kaibigan na siya namang magsasalita tungkol sa poetry sa hapon. Halos hindi matapos ang kumustahan namin, lalo pa’t ilang buwan kaming hindi nagkita.
Natapos din ang oras na nakalaan para sa pagsulat. Binalikan ko ang mga mag-aaral at kinuha ang kanilang mga papel. Oras na rin ng tanghalian, kaya dumiretso muna kami sa Sulyap sa Pahiyas, kung saan kami nakatakdang kumain.
Maganda sa Sulyap sa Pahiyas at masarap din ang kanilang pagkain. Napakaganda rin ng tanawin, lalo sa veranda kung saan kami nakapuwesto. Para sulitin ang view (pati na rin ang libreng kape), naisipan naming doon na lang gawin ang judging.
Samantala, ang iba naming kasama’y bumalik muna sa venue para sa lecture at contest sa pagsulat ng tula at dula.
Nang matapos sa judging, bumalik na rin kami sa venue at doon na muna tumambay. Nakailang labas din kami sa campus para bumili ng kape lalo na’t may malapit na 7-Eleven doon.
Bandang alas singko, nagkaroon na ng awarding ceremony. Iyon na rin ang pagtatapos ng creative writing event. Masaya ang mga bata at nakakatuwa silang panoorin mula sa pagkasorpresa matapos malamang nagwagi, hanggang sa pagpunta sa entablado para kunin ang award. Naaalala ko ang kabataan ko. Ay, tumatanda na nga ako!
Tumambay kaming tatlo (ako, at iyong mga tagapagsalita sa fiction at sa poetry) sa Pepe n Mary’s noong tapos na ang event. Doon namin hinintay ang kaibigan naming pasimuno ng lahat, na noong oras na iyon ay abala pa sa pag-aasikaso ng mga kung anu-ano sa pinagtuturuang paaralan.
Habang naghihintay sa kaniya, nagkape at kumain kami, saka nagkuwentuhan. Sa sobrang daming istorya, pakiramdam ko hindi kami matatapos magsipagdaldalan. Ganoon lang talaga siguro kapag nagsasama-sama ang mga manunulat. Hindi puwedeng walang kuwenta at laging may kuwento.
Madilim na noong dumating ang hinihintay namin. Imbes umalis, nagtagal pa ulit kaming apat doon.
Hahabulin ko pa sana ang last trip ng bus, pero sabi nila madaling-araw na lang ako umuwi. May mga van naman daw pa-Maynila na umaalis ng alas tres ng madaling araw. Mas maikli ang biyahe kumpara sa biyahe ng bus, kaya siguradong aabot ako sa pasok ko kinabukasan. Pumayag naman ako. Siyempre, ayokong mapag-iwanan. Alam kong nagsisimula pa lang ang gabi.
Mula sa sa kainan at kapehang tinambayan, naglakad kami papunta sa plaza kung saan kami sandaling tumambay para magkuwentuhan pa rin. Nang magsawa, naglakad kami paikut-ikot sa bayan habang walang habas sa pagpapalitan ng istorya. Parang wala kaming kapaguran.
Nang makaramdam na lumalalim na nang husto ang gabi, pumunta na kami sa tinutuluyan ng kaibigan namin na siyang pasimuno ng lahat. Akala ko’y matatapos na ang kuwento roon. Hindi pa pala! Inabot kami ng pasado alas dose dahil sa daldalan. Ang labo, dahil balak naming gumising pagsapit ng alas dos para makapaghanda sa pag-uwi.
Pero nagising pa rin naman kami sa oras. O, hindi lang talaga ako natulog at pagpatak ng alas dos, kinalampag ko nang todo ang bagong kaibigan na siyang kasabay ko sa pag-uwi. Pupungas-pungas kami habang naghahanda ng mga gamit at sinisugurong walang maiiwan sa kuwartong tinuluyan.
Sa kabutihang palad, nakapag-empake naman kami nang maayos at nakalakad nang mabilis papunta sa terminal ng tricycle. Doon, sinabihan namin ang driver na ihatid kami sa kung saan makakasakay ng van pabalik ng Maynila. Hinahabol namin ang biyaheng alas tres.
Saktong dalawa na lang ang kulang ng van pagdating namin, kaya nakaalis na rin kaagad. Nagpaalam na kami sa dalawang kaibigan. Dalawa, dahil yung isa’y doon daw muna tutal taga-Quezon din naman siya. Sa ibang bayan nga lang.
Dalawang oras lang mahigit ang inabot ng biyahe pauwi, kaya nakaidlip pa ako sa bahay bilang paghahanda sa trabaho ko sa ganap na alas siyete.
Shet. Sabaw na naman. Pero, ang saya. Parang college days lang ulit. Saktong trip lang siguro, bago pa mas tumanda.
Leave a Reply