Spaghetti Ang Ambag Ko

Usong-uso ngayon ang tanungan kung ano’ng ambag mo. Ano ito, potluck? May swimming ba tayo o Christmas party na agad?

Kaya ayan, napaisip ako kung anong magandang i-ambag. At, siyempre, ang unang pumasok sa isip ko ay Pinoy-style spaghetti.

Big hit ang spaghetti sa birthday parties, lalo na kung bagets ang mga imbitado. Kebs kung ma-ketchup, malabsa ang noodles, o kahit pa kapos sa hotdog at cheese. Ang mahalaga, may spaghetti. Dito pa lang, kumpleto na ang birthday.

Paborito ko talaga ang Pinoy spaghetti. Oo, yung asim-tamis na may mapulang sauce at sinabuyan pa ng ginadgad na keso. Sa tuwing makakakain ako nito, talagang sumasaya ako. Feeling ko, birthday ko ulit.

Bukod sa lasa, siguro kaya ko rin gusto ang spaghetti ay dahil naiuugnay ko ito sa masasayang okasyon. Bukod kasi sa birthday, uso rin ito kapag Pasko at Bagong Taon, pati na rin kapag may honor ako noon sa school.


Balik muna tayo sa birthday.

Noong bata pa ako, madalas akong mag-celebrate ng birthday nang wala ang Mama at Papa ko. Hiwalay kasi sila’t may kani-kaniya nang pamilya, habang ako naman ay nakatira sa bahay ng lolo ko at lola, kasama ng mga tiyuhin at tiyahin, pati na rin mga pinsan.

Dahil dito, bilang din sa kamay ang mga kaarawan kong may present na magulang sa selebrasyon. May mga taon pa ngang walang handa. Pero, hanggang ngayon, naaalala ko, hangga’t kaya ng lolo, lola, mga tiyuhin, at mga tiyahin ko, gagawan nila ng paraan na may handa sa birthday ko.

Siyempre, nag-aambag din naman minsan yung mga magulang ko, lalo na si Papa. Pero may taon na nagpadala lang siya ng cake. Nakakatawa, hindi manlang nagtanong kung anong plano. Hindi niya tuloy nalaman na may cake nang binili para sa akin sa bahay. Nadoble tuloy.

Para sa akin, kapag sinabing spaghetti, special yun. Oo, masarap ang pansit. Star din ito sa mga okasyon. pero, kapag spaghetti ang handa mo, ibang level talaga iyon.


Spaghetti ang unang-unang putahe na natutunan kong lutuin.

Pagdating ko ng grade 5, kinuha na ako ni Mama para manatili sa puder niya. Tumira kami sa apartment na kalapit lang din ng bahay ng lolo ko at lola.

Isang Pasko, naisipan ni Mama na magsarili kami ng handa. Lagi na lang daw kasi kaming nakikikain sa kabilang bahay. Kaya lang, hindi siya mahilig magluto. Wala rin siyang ideya kung paano gumawa ng sauce ng spaghetti.

Buti na lang at bida-bida ako. Nag-volunteer agad akong ako na lang ang magluluto. Sa wakas, di na lang nood-nood! Di na lang basta chuwariwap sa kusina na tagahugas ng gamit panluto at tagabalat at tagahiwa ng mga sangkap!

Buti na lang at game din ang tiyahin ko. Inilista niya pa ang mga sangkap na kailangang bilhin sa palengke, saka idinetalye sa akin ang paraan ng pagluluto. Sinunod ko naman lahat, kaya ayun, ang sarap ng unang luto ko. Ang sarap ng spaghetti ko.

Sa paglipas ng taon, unti-unti kong na-master ang pagluluto ng spaghetti na naaayon sa recipe ng tiyahin ko. Di nagtagal, nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob na maging mapaglaro sa pagluluto. Sinubukan kong ibahin nang kaunti ang mga sangkap, pati ang ilang hakbang.

Inalis ko na sa recipe ang ketchup, dahil gusto kong bawasan ang asim ng sauce na maaaring magdulot ng acid reflux ko. Mas mataas na ang ratio ng karne sa sauce, para meaty. Mas marami na rin akong maglagay ng keso, kasi bakit hindi?

Minsan din, sinusubukan kong gumamit ng ibang uri ng pasta, para maiba lang.


Sa ngayon, mas madalas na akong magluto ng spaghetti. Kapag nasi-stress o nalulungkot, nagluluto lang ako nito. Ganoon din kapag masaya at feeling ko may rason para magdiwang. Kahit gaano kasimpleng bagay, dapat lang ipag-spaghetti yan!

Kaya naman, hindi ako nawawalan ng mga sangkap ng spaghetti sa bahay. Wala pa naman ako sa puntong biglang nagigising sa kalagitnaan ng gabi at naiisipang magluto ng spaghetti. Pero, malay ba natin kung kailan darating ang pagkakataong iyon. Pwedeng mamaya o bukas o sa makalawa. Mabuti nang handa.

PS. Sabihan niyo ako kung tuloy yung potluck. Spaghetti ang ambag ko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *