Pinagbawalan ako ng doktor na magkape sa kasagsagan ng lockdown noong nakaraang taon. Lumala kasi ang hyperacidity ko. At dahil hindi puwedeng magkape, ice cream ang napagdiskitahan ko, lalo na’t may convenience store sa baba ng condo kung saan kami nangungupahan.
Isang araw, habang nag-aayos ng mga naipong lagayan ng ice cream, naalala ko si Nanay. Siya ang lola kong kumupkop sa akin noong naghiwalay ang mga magulang ko’t naging abala sa kani-kanilang mga buhay at bagong pamilya. Miss na miss ko na siya. Kaya lang, mahirap basta-bastang umuwi sa Antipolo dahil sa banta ng Covid-19.
Sa puntong iyon, naging mas malinaw sa akin kung gaano kalupit ang pandemya na patuloy na nagnanakaw sa atin ng oras na puwede pa sanang igugol sa piling ng mga mahal sa buhay na alam naman nating hindi laging nasa mundong ibabaw.
Dahil walang mapagbuhusan ng matinding emosyon sa mga oras na iyon, naisipan kong magsulat na lang ng isang sanaysay. Pinamagatan ko itong “Unti-Unting Pagkalusaw,” at napasama ito sa pinakabagong literary anthology ng Philippine Collegian na pinamagatang Points of Contact.
Puwede na itong mabasa nang libre.

Leave a Reply